Natagpuang patay ng mga residente ng Barangay Pili, Looc, Romblon ang isang 8-taong gulang na bata sa gilid ng isang ilog nitong madaling araw ng Lunes.
Kinilala ang bata na si Khay Marciano Alubog, 8-anyos, grade 2 pupil ng Pili Elementary School.
Ayon kay Police Senior Inspector Jedi Galicha. hepe ng Looc Municipal Police Station, ng makausap ng Romblon News Network, gabi umano ng Linggo ng mapansin ng ina ng biktima, na galing sa isang lamay, na nawawala si Khay. Ayon sa tatay ng biktima, umalis umano si Khay sa kanilang bahay kasama ang isa pang estudyante para sumunod sa kanyang magulang sa lamay ngunit hindi ito nakarating sa lamay ayon sa ina.
Bandang alas-3 ng madaling araw kanina, Lunes, ng matagpuan ng mga residente ng Pili ang walang buhay na katawan ng bata sa gilid ng ilog sa Barangay Pili.
Kwento sa pulisya ng menor de edad na kasama ni Khay na umalis sa kanilang bahay, hindi na umano siya dumiretso sa lamay dahil nahulog umano siya sa ilog at nabasa kaya umuwi para magpalit ng damit at hinayaan nalang si Khay na dumiresto sa lamay.
Base sa medico legal na nakuha ng Looc Municipal Police Station, wala umanong nakitang senyales na sinadyang pinatay si Khay o di kaya’y ginahasa at sinabi rin na pagkalunod ang dahilan ng pagkamatay ng biktima.
Maaring nahulog rin si Khay sa ilog at nalunod noong mag-isa nalamang itong naglalakad patungo sa lamay, ayon kay Galicha.