Kasalukuyang ginaganap ang 2018 Romblon Provincial Agri-Trade and Tourism Fair sa Children’s Park and Paradise sa bayan ng Odiongan na tatagal hangang Abril 7.
Binuksan ang fair noong Abril 2 sa pamamagitan ng ribbon-cutting na pinangunahan nina Department of Agriculture (DA) Regional Executive Director Antonio G. Gerondio, Atty. Mario Panganibanna kinatawan ni Secretary Dennis Hernandez, Presidential Adviser for Southern Tagalog, Governor Eduardo C. Firmalo at Mayor Trina Firmalo-Fabic bilang hudyat ng pagsisimula nito.
Ang Agri-Trade and Tourism Fair ay dinaluhan ng iba’t-ibang munisipalidad upang i-promote sa publiko ang iba’t ibang produkto na matatagpuan at pangturismong gawain sa kanilang bayan.
Bukod sa iba’t-ibang LGU, mayroon ding ilang selling at tourism booth na matatagpuan dito na naglalayong maipakita ang mga produktong pang-agrikultura, mga lokal na produkto gaya ng mga muwebles at handicrafts gayundin ang pagpo-promote ng magagandang beach resorts o pasayalan sa iba’t ibang lugar ng lalawigan.
Maaaring makabili ang mga parokyano sa mga booth ng mga gulay, prutas, at iba pang produkto sa pagtatanim o pagsasaka, livestock, furniture, handicrafts at mga lutong kakanin kung saan mabibili sa murang halaga.
Kaugnay nito, naglaan din ang provincial government ng papremyo sa may pinakamataas na kita, kumpleto sa paninda at pinakamagandang booth.
Ayon sa event organizer na pinamumunuan ni Relly Diokno, officer-in-charge ng Office of the Provincial Agriculturist, ang mga booth o tindahan na kasali sa agri-trade fair ay bukas hanggang gabi.