Patay ang isang tricycle driver habang sugatan naman ang kanyang kainuman matapos na pagsasaksakin sa labas ng isang videoke bar sa Barangay Budiong sa bayan ng Odiongan sa Romblon nitong gabi ng Biyernes.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si William Balentoza Forio; habang ang sugatan naman niyang kasama ay kinilalang si Jimmy Mercurio Galang, 33-taong gulang.
Ayon kay Galang, habang nagiinuman umano silang magbabarkada sa isang videokebar, bigla umanong lumabas ang kasama nitong si Forio para umihi, ilang minuto ang lumipas lumabas rin si Galang para sundan sana ang biktima ngunit nakita nito na pinagsasaksak na ng dalawang lalaki si Forio. Sinubukan umanong awatin ni Galang at ng kanyang mga kasama ang dalawang suspek ngunit pati umano si Galang ay sinaksak sa likod gamit ang screw driver kaya agad umano silang nagsitakbuhan.
Agad na tumakas ang dalawang suspek na kinilala ni Police Senior Inspector Kenneth Ding Gutierrez, officer in charge ng Odiongan Municipal Police Station, na sina Kevin Mingo Mellendrez, 29, at Anthony Fajela Salcedo, 34.
Bago umano ang krimen, nag-iinuman rin sina Salcedo at Mellendrez sa loob ng bar na pinag-iinuman nina Forio at Galang kasama ang kanilang mga barkada.
Sinubukan pang isugod sa Romblon Provincial Hospital si Forio ngunit binawian rin ng buhay kalaunan matapos magtamo ng mahigit 10 saksak sa likod ng katawan.
Naaresto rin sa follow-up operation ng pulisya ang mga suspek at ngayo’y nakakulong sa Odiongan Municipal Police Station.
Ayon kay PSInsp Gutierrez, mahaharap sa kasong murder at frustrated murder ang dalawang suspek.
Sinubukang kunan ng pahayag ng Romblon News Network ang mga suspek ngunit tumanggi silang makipag-usap sa media.