Isang suspek sa pangagahasa ang nagtangkang magpakamatay sa loob mismo ng kulungan ng Calatrava Municipal Police Station sa Calatrava, Romblon nitong hating gabi ng March 01.
Sa police report ng Calatrava Municipal Police Station, nagsisigaw umano ang isa sa mga inmate nila na nagpakamatay umano ang isa nilang detainee na kinilalang si Rosegene Ursal Mercader, 34-taong gulang, tubong Masbate City at naninirahan sa Poblacion, Calatrava.
Pagbukas ng mga pulisya sa kulungan ni Mercader, nakita nilang dumudugo ang kanyang tiyan.
Agad na isinugod ng mga kapulisan si Mercader sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan at ngayo’y nagpapagaling na.
Narekober ng pulisya kay Mercader ang isang pinatulis na metal na nilagay sa lagayan ng ballpen. Maaring ito umano ang ginamit ni Mercader sa kanyang tangkang pagpapakamatay.
Si Mercader ay inaresto matapos iturong suspek sa pangagahasa noong gabi ng February 27.
Samantala, nagsasagawa pa ng mas malalim na imbestigasyona ng pulisya kaugnay sa nasabing insidente.