Tiklo sa kamay ng mga kapulisan ng Odiongan Municipal Police Station ang babaeng di umanoy suspek sa pagnanakaw ng bag ng isang 80-anyos na lalaki sa kanyang bahay sa Sitio Baito, Barangay Patoo, Odiongan, Romblon nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Mary Ann Gado, 27-anyos, residente ng Barangay Dapawan.
Ayon sa biktima na si Sulfino Sava, 80-anyos, nasa loob siya ng kanyang bahay ng biglang pumasok umano ang suspek at kinuha ang bag na nakasukbit sakanyang leeg at agad na tumakbo.
Laman ng bag ang wallet na may lamang P1,500, ATM card para sa pention ni Sava at mga ID.
Sakto namang may nagpapatrolyang pulis sa lugar kaya agad nilang natunugan ang galaw ng suspek at naaktuhang binibilang pa ang pera. Naaktuhan pa ang suspek na hawak-hawak nito ang pera na laman ng wallet ni Sava ngunit sinabi ng suspek sa mga pulis na itinapon na nito ang bag.
Nakakulong na ang suspek at maaring makasuhan ng kaukulang kaso.