Walang kaawang-awang pinatay ng isang padre de pamilya ang kanyang mag-iina sa Barangay Calunacon bayan ng San Andres sa Romblon kaninang umaga.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Mylene Talangan, 31-taong gulang; at ang kanyang dalawang anak na sina Emilyn Falceso, 9-taong gulang; at Erwin James Falceso, 5-taong gulang.
Ayon sa mga kapitbahay ng biktima, bandang alas-6 ng umaga umano narinig nilang sumigaw si Mylene ng tulong ngunit hindi umano nila ito naitindihan ngunit may isa umano sa mga kapitbahay ang sumilip sa pintuan ng bahay ng pamilya, dito nila nakita na nakahandusay na sa sahig at duguan ang katawan ng batang si Emilyn.
Agad umanong tumawag ng pulis at kagawad ang mga kapitbahay ngunit pagdating umano nila ay sinugod sila ng suspek na kinilalang si Michael Falceso, 33-taong gulang, kaya pinaputukan ang suspek ng isang beses ng tauhan ng San Andres Municipal Police Station na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
Pagpasok ng pulisya sa bahay ay tumambad sa kanila ang patay na katawan ng mag-iina na may tama ng taga ng bolo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon pa sa mga kapitbahay ng pamilya, lagi umanong nag-aaway ang mag-asawa at ang pinag-aawayan nila ay pagiging lasingero ng suspek.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang iba pang nakasama ng suspek at biktima nitong mga nakaraang araw sa maaring mas malalim na dahilan ng nasabing krimen.