Arestado ng tauhan ng Odiongan Municipal Police ang isang ginang na suspek sa pananalisi at pagnanakaw sa isang tindahan sa loob mismo ng Odiongan Public Market nitong tanghali ng Biyernes.
Kinilala ang suspek na si Grace Farquerabao, 28-taong gulang.
Ayon kay Police Senior Inspector Kenneth Gutierrez, bandang alas-10 ng umaga ng salisihan ni Farquerabao ang may-ari ng Melrose Enterprise habang ito ay may inaasikasong costumer. Habang ginagawa umano ng suspek ang pagnanakaw ay dala-dala pa nito ang kanyang 1-week old baby.
Bigla umanong kinuha ng suspek na si Farquerabao ang bag ng may-ari na may lamang P200,000 cash, cellphone, at mga mamahaling alahas at agad na tumakas palayo sa tindahan.
Maswerte naman ang may-ari ng tindahan na may napadaang nagpapatrolyang pulis sa lugar at agad na nakapagsumbong ito. Agad na inimbestigahan ni PO3 Danny Lanogon ang pangyayari hanggang sa nakilala ang suspek sa tulong ng ilang tricycle driver at mga tauhan ng OTRO.
Ayon kay Farquerabao, nagawa niya umano ang krimen dahil sa kagipitan sa buhay at pambayad niya umano ito sa utang.
Nahuli na rin umano si Farquerabao noon dahil rin sa pagnanakaw, ngunit pinatawad rin ng mga pinagnakawan dahil naawa sa dalang sanggol ng suspek.
Naibalik rin ang mga gamit sa may-ari ng tindahan at sinabing hindi na umano kakasuhan ang suspek.