Nagsagawa ng pagsasanay ang Department of Science and Technolog-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) at Provincial Science and Technology Center (PSTC) – Romblon na tinaguriang ‘Pinggang Pinoy’ sa bayan ng San Agustin na dinaluhan ng mga Barangay Nutrition Scholars dito.
Ang pagsasanay ay ginanap kamakailan sa Municipal Agriculture Training Center sa pakikipagtulungan ng Municipal Nutrition Action Officer kung saan nilalayon nito na maisulong ang healthy lifestyle ng mamamayang Pilipino.
Ang dalawang araw na aktibidad ay itinuon sa mithiin ng pamahalaang lokal na sugpuin ang malnutrisyon, maipatupad ng maayos ang paghahanda ng masusustansiyang pagkain at pagbalanse ng inihahain sa hapag kainan.
Ang 15 BNS ay nabigyan ng pagkakataon na sanayin sa tatlong modules na nakasentro sa wastong nutrisyon at tamang paghawak o paghahanda ng pagkain na tinalakay ng mga eksperto mula sa FNRI.
Ang mga nagsilbing facilitator at resource speaker sa Training on Pinggang Pinoy Proram ay sina Czarina S. Martinez at Ma. Jovina A. Sandoval na pawang mula sa DOST-FNRI Mimaropa.
Dumalo rin si Mayor Esteban Santiago F. Madrona sa naturang pagtitipon upang magsilbing panauhing pandangal at nagbigay ng maikling mensahe sa mga kalahok.
Hinimok nito ang lahat ng BNS na isabuhay at ipalaganap sa kani-kanilang barangay ang PinggangPinoy Program ng DOST para magkaroon ng wastong kamalayan ang mga taga-San Agustin ukol sa kompletong nutrisyon na kinakailangan ng katawan.
Nabigyan din ng pagkakataon ang mga kalahok na aktwal na ipamalas ang kani-kanilang natutunan sa pagsasanay dahil kailangan na ipakita ng bawat grupo ang balance at wastong paghahanda ng mga masusustansiyang pagkain.