May aabot sa 53 na napisang pawikan o baby turtles ang pinakawalan sa dagat sa Barangay Batiano sa Odiongan, Romblon nitong Sabado ng hapon.
Pinangunahan ang pagpapakawala sa mga baby turtles ng mga opisyal ng Barangay Batiano kasama ang mga Bantay Dagat at ang Local Government ng Odiongan.
Ayon kay Dr. Ramer Ramos, Municipal Administrator ng Odiongan, Romblon, masaya siyang nakita na napakawalan ang mga baby turtles.
“Nagpapasalamat tayo dahil ang mga residente natin ay aware na sa mga pawikan, hindi na niluluto pag may nakikitang mga itlong ng pawikan,” pahayag ni Ramos sa kanyang programa sa Radyo Natin nitong Linggo.
Ang mga baybayin sa Romblon ay madalas na pinangingitlogan ng mga pawikan.