Sugatan ang isang lasing na rider matapos na sumalpok ang minamaneho nitong motorsiklo sa kasalubong na pickup truck nitong gabi ng Martes sa Barangay Anahao, Odiongan, Romblon.
Kinilala ng pulisya ang rider na si Dindo Sanchez Fabito, 24-anyos, residente ng Barangay Malilico, Odiongan, Romblon.
Ayon sa pulisya, kita sa skidmark ng motorsiklo ni Fabito na sinalpok nito ang pintuan ng kasalubong na pickup truck na minamaneho naman ni Rufie Alvar, 43-taong gulang.
Agad na isinugod ang rider sa ospital ng mga tumulong na residente para gamutin.
Walang suot na helmet ang rider at wala ring naipakitang driver's license sa pulisya.




































