Isang magsasaka sa Binonga-an, San Agustin ang isinugod sa Tablas Island District Hospital sa San Agustin matapos masaksak ng kapwa niya magsasaka nitong gabi ng Biyernes.
Kinilala ni Romblon Police Provincial Office Spokeperson, Police Senior Inspector Ledilyn Ambonan, ang suspek na si Mark Angelino Manlolo, 24-anyos; habang ang biktima naman ay kinilalang Sabino Meralles, 32-taong gulang, pawang residente ng Barangay Binonga-an, San Agustin, Romblon.
Batay sa imbestigasyon ng San Agustin Municipal Police Station, bandang 9:30 ng gabi nitong Biyernes, habang nasa likod umano ng isang bahay ang biktimang si Meralles, bigla umano siyang inundayan ng suntok ng suspek na si Manlolo ngunit naharang niya umano ito. Maya maya pa ay bigla umanong bumunot ng kutsilyo ang suspek at sinaksak umano ang biktima sa kanang kamay.
Agad na isinugod ng mga residente ng nasabing barangay ang biktimang si Meralles sa ospital para bigyan ng atensyong medical.
Naaresto naman ng mga tauhan ng San Agustin Municipal Police Station ang suspek pagsapit ng hating gabi.
Nakakulong na ngayon ang suspek at maaring maharap sa kasong Frustrated Homicide.