Dalawang minor de edad ang inaresto ng Odiongan Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Senior Inspector Kenneth Ding Gutierrez, nitong gabi ng Sabado, January 28, matapos mahuli sa akto na gamit ang isang motorsiklo na naiulat na ninakaw.
Batay sa report na pinadala sa Romblon News Network ng Romblon Police Provincial Office, bandang alas-6 ng gabi nitong Sabado nang magsumbong si Rachel Gado Fabriquer, 28-anyos, na nawawala umano ang kanyang motorsiklo na naka-park sa labas ng pinagtatrabahoang hotel sa Barangay Ligaya.
Agad na hinanap ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station ang nasabing motorsiklo matapos mag report si Fabriquer sa pulisya.
Sa follow-up operation ng pulisya, nakita nila ang dalawang minor na may edad na 16 at 17 na ginagamit ang nasabing motorsiklo.
Dinala na ang dalawang minor sa Odiongan Municipal Police Station at inaasahang ituturnover ang dalawa sa Department of Social Welfare and Development.