Labimpitong junior college students ng Romblon State University (RSU) ang mga bagong iskolar ng Department of Science and Technology -Science Education Institute (DOST-SEI) dahil sa pagkakapasa ng mga ito sa Junior Level Science Scholarship (JLSS) Qualifying Examination na ginanap noong Nobyembre 18, 2017.
Sa 57 na pumasa mula sa buong rehiyon ng Mimaropa, 17 dito ay galing sa Romblon kung saan pinatunayan ng mga ito ang kanilang husay sa larangan ng Siyensa at Teknolohiya.
Ang mga 3rd year college student na pumasa sa JLSS program ng DOST-SEI ay pawang mag-aaral ng Romblon State University na kinabibilanagan nina: Angelo S. Tamano, Geser Carl S. Atienza, Annabelle B. Dado, Klaire F. De Castro, Frecel May F. Eusebio, Jessa G. Fallena, Mark Anthony B. Gaa, Jay-Jay M. Garachico, Jhonmark M. Garachico, Olive F. Gaytogac, Gennalyn C. Magbanwa, Marie Cris B. Merano, Andy M. Moncawe, Ryan Denver G. Rayo Lolimhar F. Tolentino at Jheraldin V. Villan.
Ang mga mapapalad na estudyante ay makatatanggap ng P10,000 pang-matrikula at iba pang bayarin sa paaralan sa bawat semester o P8,000 para sa trimestral term, book allowance, monthly stipend, clothing allowance, transportation allowance at health insurance.
Ayon kay Provincial Director Servañez ng DOST-PSTC Romblon, ang mga “mapapalad at matatalinong estudyante” ay muling nagbigay ng karangalan sa lalawigan at maging sa Romblon State University dahil nakapagtala ito ng mataas na porsiyento ng nakapasa sa buong Mimaropa.
Pinayuhan din nito ang mga pumasa na antayin ang abiso (notice) mula sa tanggapan ng DOST kung kailan itatakda ang iskedyul ng oryentasyon.