Sugatan ang isang mangingisda sa Looc, Romblon matapos saksakin ng tatlong beses ng nakasalubong na laborer nitong umaga ng December 03.
Kinilala ni Romblon Police Provincial Office Spokeperson PSInp Ledilyn Ambonan ang biktima na si Pablito Montoya Ignacio, 41-anyos; habang ang suspek ay kinilalang si Jason Candido Gregorio, 31-anyos, at residente ng Sitio Guinpasilan, Barangay Agojo.
Batay sa imbestigasyon ng Looc Municipal Police Station, nangingisda sa may baybay ang biktimang si Ignacio nang lumapit sa kanya si Gregorio kasama ang isa niyang kapatid at ang kanyang ama. Nag-usap daw ang apat at maya-mayang bumunot na ng bolo si Gregorio at sinaksak ang biktima ng tatlong beses ngunit isang beses lang ito tinamaan sa kanyang kamay.
Nakatakas naman agad umano ang biktima at nakatakbo pauwi hanggang sa dalhin ng kanyang asawa sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital para gamutin.
Naaresto sa follow-up operation ng Looc Municipal Police Station ang suspek na si Jason Gregorio at ngayo’y hawak na ng pulisya.
Walang pahayag ang suspek.