Sugatan ang isang 75-anyos na lola matapos na masalpok ng wala sa linyang tricycle na minamaneho ng isang lasing na lalaki sa Odiongan, Romblon nitong gabi ng Biyernes.
Kinilala ang lasing na rider na si Jose Senadrin Beltran Jr., 51 year old at residente ng Barangay Ligaya, Odiongan, Romblon.
Batay sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, mabilis umano ang patakbo ni Beltran at pagdating nito sa may pagitan ng Landbank at Lyn’s Snack Bar ay bigla nitong nasalpok ang papatawid na biktima.
Tatakas pa sana si Beltran ngunit hinabol ng ilang nakasaksi.
Nagtamo ng sugat sa kamay at siko ang biktima na agad na sinugod sa Romblon Provincial Hospital para bigyang ng paunang lunas.
Dinala sa Odiongan Municipal Police Station si Beltran na nahaharap ngayon sa Reckless Imprudence resulting to Slight Physical Injury.