Sugatan ang tatlo katao matapos masangkot sa isang aksidente sa bahagi ng National Road sa Barangay Tulay, Odiongan, Romblon nitong Martes ng hapon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, patungong Odiongan ang motorsiklo na minamenho ni Florencio Menes Robiso, 76 sakay ang kanyang asawa na si Evangeline Gamos Robiso, 74, habang pauwi naman sana ng Barangay Progreso Este, Odiongan, Romblon galing Poblacion ang isa pang rider na si Andrew Rodelas Galicia, 21.
Bigla umanong tumawid sa crossing ang rider na si Robiso kaya nasalpok ng padiretsong si Galicia.
Tumilapon ang tatlo sa kanilang motorsiklo at nagtamo ng multiple injuries sa katawan ayon sa pulisya kaya agad silang isinugod ng rumespondeng medics sa Romblon Provincial Hospital.
Patuloy na nagpapagaling ang tatlo habang ang kanilang mga motorsiklo ay dinala sa Odiongan Municipal Police Station.