Sugatan ang driver ng isang delivery van matapos na sumalpok ang kanyang sasakyan sa likod ng isang 6-wheeler truck na pagmamay-ari ng isang construction company.
Nangyari ang aksidente nitong Lunes sa bahagi ng Firmalo’s Boulevard sa Barangay Liwanag, Odiongan, Romblon bandang alas-2 ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, bumubuntot umano ang delivery van na minamaneho ni Fabie Famisan Foja, 45, sa 6-wheeler truck na minamaneho naman ni Jackem Gaan Sim, 27, habang nasa Firmalo’s Boulevard sa Barangay Liwanag.
Bigla umanong nagbawas ng bilis ng patakbo si Sim para maiwas sa maaring pagsabit ng sasakyan sa mga hanging wires ng OTELCO nang biglang salpukin ng nakabuntot na delivery van.
Nagulat umano si Foja sa biglang pagbawas ng bilis ng truck kaya hindi na umano ito nakapreno at nasalpok na ito sa likod.
Dahil sa lakas ng pagkakasalpok ng sasakyan, nayupi at nawasak ang windshield ng delivery van at maswerte namang hindi napuruhan ang nasabing driver.
Wala namang nasaktan sa mga sakay ng truck.