Sugatan ang mahigit isang taong gulang na bata matapos na masalpok ng isang Owner Type Jeep sa Barangay Progreso Este sa Odiongan, Romblon bandang alas-8:30 ng umag kanina.
Ayon sa mga saksi sa aksidente, bumibili ng uling sa tindahang nasa gilid ng kalsada ang ina nito ng biglang tumawid umano ang bata at dito na nasalpok ng owner type jeep na minamaneho ni Jose Hidalgo, residente ng Victoria, Oriental Mindoro.
Patungo sanang Sta. Fe si Hidalgo para mag-deliver ng kalamansi nang mangyari ang aksidente.
Agad namang sinakay ni Hidalgo ang bata sa kanyang sasakyan at hinatid sa Isiah Medical Hospital sa Barangay Tulay.
Ligtas na ngayon ang lagay ng bata at nagpapagaling na sa hospital samantalang sumuko sa Barangay ang driver ng sasakyan at nangakong sasagutin niya ang lahat ng gastusin ng naaksidenteng bata sa ospital.