Arestado kahapon ang isang lalaki sa Barangay Poblacion, bayan ng Cajidiocan, Romblon matapos na ireklamo nang pananakit sa dalawang batang menor de edad.
Ayon sa police report na nakarating sa Romblon Police Provincial Office, umaga kahapon nang magtalo ang ama ng dalawang bata at ang suspek dahil lamang sa pagtatalo sa isang bangka.
Nagkaroon ng mainit na sagutan ang dalawa hanggang sa kumuha ng mahabang kawayan ang suspek at dito na pinalo ng kawayan ang ama ng dalawang bata. Sinubukang umawat ang isang bata na 15 anyos, ngunit pati siya ay tinamaan sa kamay ng kawayan.
Tatakas na sana ang suspek ngunit nagbato pa siya ng napulot niyang bato at dito tinamaan naman ang 7-anyos gulang na bata.
Naaresto naman ang suspek kinalaunan at nakuha ang ginamit na kawayan na may habang 29 inches at laki na halos 4 inches diameter.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 7610.
Sadyang itinago ng Romblon News Network ang pangalan ng mga sangkot base na rin sa rekumendasyon ng pulisya.