{googleads center}
Tatlong lalaki kabilang ang dalawang menor de edad ang sugatan sa salpukan ng dalawang motorsiklo sa National Road sa Barangay Anahao, Odiongan, Romblon nitong gabi ng Sabado.
Bandang alas-6 nang makatanggap ng tawag ang Odiongan Municipal Police Station na may nangyari umanong aksidente sa nasabing lugar kaya agad itong pinuntahan ni PO3 Rombines kasama ang dalawang PNCO para i-verify.
Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station ang isa sa mga sangkot na sina Roger Galiga, 53, construction worker at residente ng San Andres, Romblon.
Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na umano umano sa San Andres, Romblon si Galiga ngunit pagdating nito sa lugar nang pinangyarihan ng aksidente kinain umano ng motori niya ang linya na para sa dalawang minor kaya sila nagsalpukan.
Sira umano ang headlight ng sasakyan ni Galiga at nakainum rin ang rider nang mangyari ang aksidente. Pareho namang walang helmet at walang lisensya ang tatlong mga sakay ng dalawang motorsiklo.
Tumilapon ang tatlo sa kanilang motorsiklo at nagtamo ng sugat sa katawan kaya dinala agad sila sa Romblon Provincial Hospital habang ang kanilang mga motorsiklo ay dinala naman sa Odiongan Municipal Police Station.