Dalawang rider at isang angkas ang sugatan sa nangyaring motorcycle accident sa Barangay Anahao, Odiongan, Romblon nitong hapon ng Miyerkules.
Ayon sa police blotter na nakuha ng Romblon News Network, bumabiyahe patungong Odiongan Proper ang motorsiklo na minamaneho ni Rogelio Tan Domingo, 49 nang bumulaga sa likod nito at sumalpok ang isa pang motorsiklo na minamaneho naman ni Paulo Delos Santos Balgona, 41, na sakay naman si Janeth Gabilo Balgona.
Mabilis umano ang patakbo ni Balgona at nagtangka sanang mag-overtake kay Domingo ngunit nasalpok niya ito.
Nagtamo ng galos sa katawan ang dalawang rider habang ang sakay namang babae ni Balgona ay nagtamo ng head injuries kaya agad itong dinala sa Romblon Provincial Hospital para suriin ang lagay.
Patuloy na iniimbestigahan ng Odiongan Municipal Police Station ang kaso. Hawak ni Senior Police Officer 1 Evaristo Famero Jr. ang nasabing kaso.
{googleads center}