Patay na ng matagpuan bandang alas-8:30 ng umaga kanina ang Korean National na nawala kahapon sa isang kilalang talon sa Barangay Panangcalan, San Fernando, Romblon.
Ang South Korean native na si Jae-Uk Jung, 41, ay natagpuang nakalubog sa malalim na bahagi ng Busay Falls ng mga rescuers matapos ang halos 19-oras na paghahanap.
Ayon sa police report, tumungo umano ng Busay Falls bandang ala-una ng hapon ang korean national kasama ang mga kaibigan para maligo ngunit napansin ng kanyang mga kaibigan na nawawala umano si Jung.
Ayon sa mga rescuers, maaring nadulas sa isang bato si Jung habang paakyat ng Busay Falls at nahulog sa ilog.
Dinala na ang katawan ni Jung sa San Fernando Rural Health Unit para sa isasagawang autopsy sa katawan ng Korean.