Sugatan ang dalawang rider matapos na sumalpok ang isang motorsiklo na minamaneho ng isa sa mga rider sa isang tricycle sa Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon nitong gabi ng July 09.
Nangyari ang aksidente mag-aalas 11 ng gabi sa harap ng isang resto bar sa nasabing Barangay.
Ayon sa mga nakasaksi sa aksidente, magpa-park na sana ng kanyang tricycle si Joseph Grimaldo ng masalpok ng rider na si Martin Guilo.
Sabi ng mga gwardya ng resto bar na nakasaksi sa aksidente, mabilis umano ang patakbo ni Guilo, wala ring ilaw ang motorsiklo at walang suot na helmet ng mangyari ang aksidente.
Maaring hindi niya napansin ang tribike dahil matulin ang patakbo nito.
Tumilapon ang rider ng motorsiklo at nagtamo ng head injuries kaya agad siyang isinugod sa Romblon Provincial Hospital.
Nagtamo naman ng bali sa paa si Grimaldo dahil sa pagkakasalpok ng motor sa kanyang tricycle habang ang mga sakay nito na kanyang asawa at anak ay ligtas at walang galos.