Sugatan ang apat katao sa Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon matapos na magsalpukan ang mga sinasakyang motorsiklo nitong hapon ng Miyerkules, July 05.
Kinilala ang isang rider na si Edgardo Falcutila, 54-years old, kasama ang dalawang sakay; habang ang isang rider naman ay si Maebelle Mangarin, 22.
Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, bandang 3:30 umano ng hapon ng makatanggap sila ng ulat na may vehicular accident malapit sa Virginia Centurione Bracelli School sa nasabing barangay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, galing umanong San Andres si Falcutila at patungo sanang Barangay Dapawan ng bigla umano itong mag overtake sa sasakyang naharapan ngunit hindi niya napansing kasalubong pala niya ang motorsiklo ni Mangarin.
Agad na isinugod ang mga sugatan sa Romblon Provincial Hospital upang bigyan ng lunas. Nagkasira-sira naman ang motorsiklo ng dalawa.
Ayon kay Joshua Falcunit na nakasaksi sa aksidente, nag dulot ng pagbigat ng trapiko ang nasabing aksidente dahil sa humandusay ang mga sugatang sakay ng motorsiklo sa gitna ng kalsada.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station tungkol sa pangyayari.