Isang babaeng rider ang sugatan matapos na masangkot ang minamanehong motorsiklo sa isang aksidente kahapon ng umaga sa Barangay Liwayway, Odiongan, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, iligal umanong tinatahak o pa-counter flow ang takbo ng rider na si Analiza Goolaerts, 35, sa one-way street ng Bonifacio St. sa Barangay Liwayway ng biglang masalpok ng isang minibus pagliko nito sa General Luna St patungong Barangay Dapawan.
Nagtamo ng sugat sa katawan ang rider na si Goolaerts habang pumailalim naman ang motorsiklo nito sa minibus na minamaneho ni Diomar Ballera, residente ng Sta. Fe, Romblon.
Dinala naman sa Odiongan Municipal Police Station ang minibus na nasangkot sa aksidente habang patuloy na iniimbestigahan ang pangyayari.
Patuloy namang inaalam ng kapulisan kung may permit galing sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang nasabing minibus para bumiyahe ng Odiongan – Sta. Fe ruote.
Patuloy ring Inoobserbahan ang rider sa Romblon Provincial Hospital.