Ilang residente na ng bayan ng Odiongan ang nagrereklamo sa Romblon News Network matapos na mabiktima ng bagong modus ng pagnanakaw sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Ang modus, puputulin ng magnanakaw ang maliit na gumang tubo na nakakabit sa makina ng sasakyan galing sa gasoline tank at kukunin ang laman nitong gasulina.
Isa sa mga nabiktima ay reporter ng Romblon News Network na si Ken Tapat na nakatira sa Barangay Dapawan.
Kwento niya, paalis na sana siya nitong Miyerkules ng gabi gamit ang motorsiklo niya ng mapansin na putol na ang maliit na tubong dinadaluyan ng gasulina.
Nagsumbong na rin siya sa pulisya para tingnan ang kaso ng kanyang motorsiklo.
Nito namang Sabado, nabiktima rin ang isang lalaki na residente ng Barangay Ligaya matapos na manakawan rin ng gasulina sa motorsiklo.
Hindi naman nila nakilala ang suspek o mga suspek dahil sa walang closed-circuit television cameras nanakakabit malapit sa kanilang mga lugar.