Tiklo sa buy bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 4B ang isang dating pulis officer ng Quezon City Police District na si Bobby Morente, residente ng Barangay Mayha, Odiongan, Romblon.
Naaresto ang suspek sa buy bust operation na isinagawa sa isang basketball court sa Barangay Tulay, Odiongan, Romblon pasado alas 5 ng hapon nitong March 05, Linggo.
Nabilhan umano ang suspek ng aabot sa 4 na sachet ng shabu. Nakuha rin sa suspek ang isang 1,000 bill at apat na P1,000 fake bill na ginawang marked money ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 4B.
Inamin naman ng suspek na gumagamit siya ng shabu pero matagal na umano ito at gumagamit nalang siya tuwing birthday niya.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 4B, ang suspek ay kasama rin sa mga listahan ng mga di umanoy pusher na police officer ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nakatakdang kasuhan ang suspek ng paglabag sa Republic Act 9165.