Hindi na umabot ng buhay ang isang construction worker matapos itong maaksidente habang pauwi na nitong gabi ng Martes, February 07.
Kinilala ang rider na si Johnny Fajilagot Rafol, 31-years old, residente ng Barangay Panique, Odiongan, Romblon.
Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, binabaybay umano ni Rafol ang national road sa Barangay Libertad bandang alas-8 ng gabi. Pagdating umano nito sa may pakurbang bahagi ng kalsada sa Sitio Canlabha ng parehong barangay ay sumalpok ito sa isang traffic signage.
Nagtamo si Rafol ng head injuries dahil sa lakas ng pagkakasalpok nito sa poste ng signange.
Agad na dinala ng mga nakasaksi sa aksidente si Rafol sa Romblon Provincial Hospital ngunit idineklara na itong dead on arrival ng doctor.
Batay sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, nasa impluwensya ng alak ang rider at maaring dahilan ang kalasingan nito kung bakit ito sumalpok sa traffic signage.