Sa kulungan ang diretso ng apat na lalaki sa Odiongan, Romblon matapos na maaktuhang nagpapasabong ng mga manok sa isang sitio sa Barangay Panique, Odiongan, Romblon nitong hapon ng February 19.
Nakuha sa mga suspek ang P200.00 na bet money, dalawang manok pansabong, at isang tari para sa manok.
Kinilala ang mga suspek na sina Ronal Doroteo, 49; Bernie Masungca, 31; Buenafe Toledo, 51; at Oscar Miran, 55.
Patuloy naman na pinaghahanap ang kasador (promoter) ng iligal na pasabong na si Cesar Anastacio na nakatakas nang dumating ang mga kapulisan sa lugar.
Ayon sa Odiongan Municipal Police Station, bahagi ito ng mas pinahigpit na paglaban ng Philippine National Police sa mga iligal na sugal sa buong Pilipinas.