Balik kulungan ang number 9 drug personality ng Odiongan, Romblon na si Jomarie Factor, 23-years old, matapos na madakip sa isang anti-illegal drugs buy-bust operation na isinagawa ng Odiongan Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Senior Inspector Manuel Fernandez Jr. kaninang madaling araw.
Mag aalas-3 ng umaga kanina ng makipag transaction ang isang tauhan ng pulisya na nagpanggap na isang buyer ng shabu sa suspek sa Sitio Cocoville, Barangay Dapawan. Dinakip agad ang suspek ng positibong mabilhan ng isang plastic sachet na may lamang pinaghihinalaang shabu.
Nakuha sa suspek ang tatlong pirasong plastic sachet na may pinaghihinalaang shabu, P1,000 buy-bust money, isang cellphone, at drug paraphernalia.
May nakuha rin ang mga kapulisan na isang papel na may laman ng mga contact person ni Factor.
Ayon kay PSInsp. Fernandez Jr., Chief of Police ng Odiongan MPS, sumuko na sa Oplan Tokhang ang suspek noong mga nakaraang buwan.
Nakakulong na ang suspek sa Odiongan Municipal Police Station at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilalang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dinala na rin sa Romblon Provincial Crime laboratory ang mga drug items upang ipasuri.