Tinupok ng nagngangalit na apoy ang isang gusali ng España Elementary School sa Barangay España, San Fernando, Romblon kaninang madaling araw.
Ayon kay Dizon Glory Sr., Barangay Kagawad ng Barangay España, nagising sila bandang 3:30 ng madaling araw ay malakas na ang apoy at kinakain na ang computer room ng nasabing paaralan.
Natupok ng apoy ang isang palapag na gusali na binubuo ng dalawang silid aralan at isang computer laboratory room. Mabilis kumalat ang sunog sa nasabing building kahit gawa ito sa semento.
Ayon sa mga awtoridad, hindi pa tukoy kung ano ang naging dahilan at kung magkano ang halaga naging damage ng nasabing sunog.
Wala namang naiulat na nasaktan sa sunog.
Sa ngayon, pansamantala munang nakikipaghati ng silid aralan ang mga estudyante na nawalan ng silid aralan ng dahil sa sunog.