Nadakip na ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Senior Inspector Manuel Fernandez Jr. sa kanilang isinagawang hot pursuit operation sa Barangay Tulay ang may-ari ng bahay na kanilang ni-raid kagabi sa Barangay Dapawan sa bayan ng Odiongan.
Si Roland Salivio na may-ari ng bahay na ni-raid ng mga kapulisan ay nakatakas matapos na makatunog na may paparating na pulis sa kanilang bahay kagabi.
Naiwan naman sa bahay sina Dodge Alojado at si Eddie Antonio, kaya nadakip ng awtoridad.
Dinala na si Salivio sa Romblon Provncial Hospital upang ipa-medical matapos magtamo ng sugat sa paa matapos itong masugatan maaring dahil sa pagtalon niya sa bubong para makatakas kagabi.
Kwento ni Salivio, nakita niya umano ang dalawa na gumagamit at pagpasok niya ng kwarto pinatikim umano siya nina Alojado at Antonio ng iligal na druga na inaamin niyang shabu.
Tumakas umano siya dahil sa takot na madamay dahil nalaman niyang may paparating na mga pulis. Dumaan umano siya sa bubong ng kanyang building at tumakas papunta sa Sitio Timbaon, Barangay Tulay. Gusot niya na rin sanang sumuko kaninang umaga ngunit hindi niya umano kayang maglakad o tumungo sa istasyon ng pulisya.
Sinabi rin ni Salivio na mag-iisang linggo ng umuupa sa kwartong ni-raid ng pulisya si Alojado at na-monitor niyang maraming pumupuntang mga kilalang drug personality sa bahay. Hindi rin umano isinangla sa kanya ang sinasabi ni Alojado na cellphone.
Inaasahang dadalhin ang tatlo sa Provincial Prosecutor’s Office upang sampahan ng kaso.