Patay ang isang rider habang sugatan naman ang mga kasama nito matapos na maaksidente sa Barangay Road ng Poblacion, Alcantara, Romblon pasado ala-una kaninang hapon.
Kinilala ang namatay na si Junjun Molina Gadon, residente ng bayan ng San Andres, habang ang mga sugatan naman na backride ni Gadon ay sina Madoren Tamboon Capillo at Reynante Suyon Escanto.
Ayon sa imbestigasyon ng Alcantara Municipal Police Station, binabaybay umano ng grupo ni Gadon ang Barangay Road ng Poblacion, Alcantara gamit ang kanilang motorsiklo at pagdating sa may pakurbadang bahagi ng kalsada nasalpok nila ang nakaparadang dump truck.
Dahil sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ang mga sakay ng motorsiklo.
Agad silang nirespondehan ng mga residenteng nakarinig sa kalabog ng motorsiklo, at agad na dinala sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa bayan ng Looc at kalaunan ay inilipat sa Romblon Provincial Hospital dahil sa malalang mga sugat.
Dead on arrival ang driver na si Junjun Gadon habang ginagamot parin ang dalawang kasama nito.
Napag-alaman na ang dump truck ay nakarehistro sa Legacy Construction at minamaneho ni Ricky Balandra. Ayon sa driver ng truck, naka park naman umano siya ng maayos at naka on ang hazard light.
Batay naman sa police report, sinabi umano ng attending physician na nasa impluwensya umano ng alak ang driver na si Gadon.