Nadakip na kagabi ang suspek sa pagpatay sa isang babaeng residente ng Calapan City na iniwan sa Munisipyo ng Socorro,Oriental Mindoro na nakabalot ng tela at tila biktima ng summary execution.
Ayon kay Police Inspector Mark Son Ameranez, Chief of Police ng Socorro Municipal Police Station, nitong Linggo umano itinapon ang bangkay ng biktima na si Queence Delos Reyes sa isang barangay ng bayan ng Socorro.
Dahil dito nagsagawa ng operation ang Socorro PNP upang hanapin ang huling kasama ng biktima na maaring may ideya kung sino ang may gawa nito kay Delos Reyes.
Ayon kay Police Inspector Ameranez, may nakapagturo sa kanila na ang huling kasama ng biktima ay si Kagawad James Leo O. Macalalad, ng San Vicente, Calapan City, Oriental Mindoro.
Agad nilang hinanap ang suspek na si Macalalad at nakita nila ito sa kanilang bahay sa San Vicente at inamin umano sa kanilang nakita niya ang pagpatay sa biktima ngunit wala umano siyang kinalaman dito. Tinulungan niya umano ang suspek na dalawang araw niyang nakasama ngunit hindi niya nakilala na ihatid ang bangkay ng biktima sa bayan ng Socorro.
Sa pagsisiyasat pa ng kapulisan, kanilang hinalughug ang bahay ng suspek at tumambad sa kwarto ni Macalalad ang iba’t ibang blood stain na sinubukan pa sanang punasan, nakita rin ang mga ginamit na damit ni Macalalad upang punasan ang mga dugo.
Sa likod ng bahay ni Macalalad, nakita ang alagang aso ng biktima.
At dahil sa pagkakasangkot ni Macalalad sa kaso, agad siyang hihnuli kagabi ng mga kapulisan at iniimbestigahan na ngayon ng Calapan City Police Station.
Ihaharap ang suspek sa korte at sasampahan ng kasong murder.