Sugatan ang isang lalaki sa bayan ng Odiongan matapos na masaksak ng kanyang sinugod na lalaki sa Sitio Upper Dapawan, Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.
Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Senior Inspector Manuel Fernandez Jr., sinugod umano ng biktimang may dalang bolo na si Ronie Manobo Cesar, 46 taong gulang, ang suspek na si Rolly Forjes Lasala, 29 taong gulang sa kanyang pamamahay sa nasabing barangay nitong Miyerkules ng gabi upang tagain ngunit hindi nakatama ang biktima at agad na nakakuha ng sariling bolo ang suspek na ginamit para masaksak ang biktima.
Sugatan ang biktima at isinugod sa Romblon Provincial Hospital, at ngayon ay patuloy na nagpapagaling.
Tumakas ang suspek na si Lasala, ngunit agad ring sumuko sa Romblon Provincial Public Safety Company (RPPSC) kasama ang isang barangay kagawad.
Ayon sa suspek, matagal na umano silang may alitan ni Cesar na naging maaring dahilan ng pagsugod ng biktima sa bahay ng suspek.
Nakakulong na ang suspek sa Odiongan Municipal Police Station at nakatakdang sampahan ng kasong frustated homicide.