Dalawa katao ang tinatayang namatay sa nangyaring landslide at rock fall sa Barangay Dulungan, Magdiwang, Sibuyan Island, Romblon kahapon ng hapon.
Batay sa Police report ng Magdiwang Municipal Police Station, Alas-3 ng hapon umano nangyari ang landslide na ikinamatay ng isang minero at empleyado ng minahan.
Kinilala ang minero na si Rodrigo Ragas Dianco, 35 taong gulang, residente ng nasabing barangay at ang empleyado naman ay kinilalang si Quirino De Asis Royo, 40 taong gulang at residente ng San Fernando, Romblon.
Ayon pa sa Police report, naglalakad umano sa bundok sa Sitio Hanggan ang dalawa patungo sa minehan ng may biglang bumabang mga lupa at bato patungo sa kanila.
Tinamaan ang dalawa sa katawan at ulo na naging dahilan ng agaran nilang pagkamatay.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyari at kung may permit ba ang nasabing minahan na mag operate.
Hindi parin napupuntahan ng pulisya ang lugar dahil sa masamang panahon at malambot na lupa.