by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Monday, 04 July 2016
Sugatan ang tatlo katao matapos na magsalpukan ang kanilang mga sinasakyang motorsiklo kaninang pasado alas-8 ng gabi sa Barangay Poctoy sa bayan ng Odiongan.
Ang mga nasangkot na sasakyan ay minamaneho ni Demetreo Galang, residente ng Looc, Romblon at ni Maribeth Calambas na may back ride na nakilalang si Gelyn Ibabao, pawang mga residente ng Barangay Panique.
Base sa mga nakasaksi sa aksidente, binbaybay umano ni Galang ang kahabaan ng Highway sa Barangay Poctoy at paliko sana sa isang gasulinahan ng Alpha Oil ng masalpok ng kasalubong na motorsiklo ni Calambas.
Ayon naman kay Calambas, hindi niya alam na liliko si Galang dahil walang signal light ang motorsiklo niya na paliko siya.
Dinala ang tatlo sa Romblon Provincial Hospital upang gamutin ang mga sugat.
Patuloy naman na iniimbestigahan ng Odiongan Municipal Police Station ang nasabing aksidente.