by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Monday, 18 July 2016
Sugatan ang isang lalake sa bayan ng Odiongan, Romblon matapos na tagain ng nakaaway ng kanyang anak kaninang tanghali, July 18.
Nahulicam pa ng Barangay Liwanag ang pagsugod ng walang damit na suspek na si Vicente Fabito sa biktimang si Wilfredo Gualiza Jr.
Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, umawat umano nitong umaga ang ang bitkima sa away ng suspek na si Vicente Fabito at ng kanyang anak sa isang paradahan ng mga sasakyan sa parehong barangay.
Pagkatanghali, bumalik umano itong suspek at may dala ng sundang o bolok at tinaga sa ulo ang biktima habang ito ay nakatambay sa Barangay Hall.
Agad na isinugod ang biktima sa Romblon Provincial Hospital upang gamutin habang tumakas naman ang suspek.
Nadakip sa man hunt operation ang suspek na napag-alamang lasing ng mga oras na nagawa ang krimen.
Hindi na narekober ang ginamit ng suspek na sundang o bolo sa kanyang ginawang krimen matapos itapon umano niya ito.
Ayon kay Barangay Captain Tikboy Fernandez, kasama umano ang suspek na si Vicente sa mga watchlist ng barangay na gumagamit ng iligal na droga at binigyan niya na umano ito ng trabaho sa barangay para lang magbago.
Nakatakdang kasuhan ng frustrated murder ang suspek.