Sugatan ang isang lalakeng nakilalang si Romeo Tordecilla, 59 taong gulang, matapos na masangkot sa isang shooting incident sa bayan ng San Fernando ngayong gabi.
Ayon sa San Fernando Municipal Police Station, nangyari ang shooting incident bandang 6:20 ng gabi sa Gov. Perez at Adriano Rios St. sa Barangay Poblacion.
Batay sa spot report ng SFMPS, nakatambay umano si Cupid Perez, 61 taong gulang sa tabi ng basketball court kasama ang 11 months niyang apo ng biglang dumating si Tordecilla at bumunot umano ng baril at ipinutok ito. Sa takot ni Cupid at sa pakiramdam niyang babarilin siya ay umiwas siya kaya hindi siya tinamaan ng baril.
Agad namang sinugod si Tordecilla ng asawa at anak ni Perez na sina Rosalia at John Bill, kung saan nagkarambola ang tatlo at nasaksak si Tordecilla.
Isinugod agad si Tordecilla sa Sibuyan District Hospital sa Cajidiocan dahil sa natamong saksak.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag sina Perez at Tordecilla.
Narekober naman ng San Fernando Municipal Police Station ang cal. 45 na baril at isang kutsilyo sa pinangyarihan ng krimen.
Dinala rin ang magkakamag-anak na Perez sa presinto para imbestigasyon ng pulisya.