by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Monday, 06 June 2016
Kalunoslunos ang sinapit ng isang lalake sa bayan ng Odiongan matapos pagtatagain ng nakababatang kapatid pasado alas-7 kagabi.
Nangyari ang krimen sa Sitio Rapayon sa Barangay Patoo ng nasabing bayan.
Ayon kay Police Inspector Manuel Fernandez ng Odiongan Municipal Police Staion, nagluluto umano ang biktimang nakilalang si Eduardo Fadera sa kanyang pamamahay ng pasukin ng suspek na si Edgar Fadera ang kanyang bahay at pinagtataga ito sa likod.
Naisugod pa ang biktima sa Romblon Provincial Hospital ngunit binawian rin ng buhay habang ginagamot.
Nakatakas pa sana ang suspek ngunit nadakip ng kapulisan kaninang umaga sa Barangay Gabawan at nakakulong na sa OMPS.
Ayon pa kay PInsp Fernandez, may alitan na umano ang magkapatid at matagal nang nagbanta ang suspek na papatayin nito ang biktima.
Nakatakdang kasuhan ng parricide ang suspek ngayong araw.