by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Thursday, 23 June 2016
Opisyal ng pinasinayaan ngayong araw ang kauna-unahang branch ng Jollibee sa bayan ng Odiongan sa Tablas Island, Romblon.
Present sa nasabing event ang matataas na opisyal ng Jollibee Southern Luzon operations, Romblon Governor Eduardo Firmalo, Mayor Roger Fodra at mga empleyado ng Local Government Unit ng Odiongan, mga mayor ng ibang bayan, at mga bisita mula sa iba’t ibang sangay ng gobyerno sa lalawigan.
Ang nasabing branch ang kauna-unahang fast food chain na itinayo sa lalawigan. Inaasahang magbibigay ito ng saya sa halos lahat ng mga taga-Romblon lalo na at hindi na kinakailangang pumunta ng ibang lugar para lang makatikim ng sikat na Jollibee Chicken-joy.
Ayon kay Bambi Bejo, RUB Head sa South Luzon ng Jollibee nang makapanayam ng Romblon News Network, sinabi nitong malaking karangalan ang kanilang maitayo ang Jollibee sa progresibong bayan katulad ng Odiongan at inaasahan nilang papatok ito sa mga Romblomanon.
Sa mensahe naman ni Governor Firmalo, sinabi niyang sana tangkilikin ng mga Romblomanon ang mga ganito.
“Simula palang ito ng pagdami ng mga investor sa ating lalawigan,” aniya ni Governor Firmalo.
Bukas ang Jollibee Odiongan mula 5:00 ng umaga at magsasara ng 12:00 ng hating gabi.