by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Monday, 08 February 2016
Sa unang araw palang ng paghihigpit ng mga awtoridad sa mga lumalabag sa batas trapiko sa bayan ng Odiongan ay umabot na sa walong driver at motorsiklo ang nasampulan at nahuli sa tatlong magkakahiwalay na checkpoint ng Odiongan Municipal Police Station kasama ang mga tauahn ng PNP-Highway Patrol Group at OTRU.
Ang mga nasampulan ay mga walang lisensyang driver, mga walang mapakitang OR/CR at may mga modification sa kanilang motorsiklo na ipinagbabawal ng batas.
Ayon kay Police Senior Inspector Alvimar Flores, nakita umano niya ang iba na nagsisimula nang magpalit ng kanilang mga muffler.
Hindi rin umano sila titigil hanggat hindi mabawasan kung hindi man maubos ang mga sumusunod sa batas trapiko.
Ang mga nasampulang motorista kaninang umaga ay nabigyan ng ticket na nakasulat kung magkano ang kanilang multa at ang ilan naman ay na impouind sa estasyon ng OMPS.
Paalala pa ni Flores, ugaliing dalhin ang mga OR/CR ng kanilang mga motorsiklo at kumuha na ng lisensya sa LTO upang may maipakita sa mga awtoridad kung sakaling mag inspeksyon.
Sa bayan naman ng Calatrava, nagsimula na ring manghuli ang awtoridad doon ng mga lumalabag sa batas trapiko matapos na mabigyan rin sila ng pahintulot ng Land Transportation Office.