by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Wednesday, 17 February 2016
Sugatan ang lasing na rider na si Gidby Oriendo, isang delivery boy ng isang kilalang kainan sa bayan ng Odiongan matapos na maaksidente sa may kahabaan ng National Road ng Barangay Liwayway sa nabangit na bayan pasado alas-5 ng hapon, kahapon, February 16.
Ayon sa kwento ng mga nakasaksi sa aksidente, habang binabaybay ni Oriendo ang daan sa kahabaan ng Natioanal Road patungong Barangay Dapawan nasagi umano nito ang isa pang motorsiklo na minamaneho ni Ian Fermanejo na paliko na sana ng mga oras na iyon sa isang tindahan ng motorsiklo.
Mabilis umano ang patakbo ni Oriendo at lango sa alak kaya nasalpok niya ang papaliko na motorsiklo.
Paliwanag naman ni Fermanejo, nag-on siya ng signal light bago lumiko at halos nasa kalahati na ng kalsada ng salpukin ni Oriendo.
Napansin naman ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station na medyo amoy alak ang rider na Oriendo.
Ligtas naman si Fermanejo at ang asawa nito na nagtamo lamang ng kunting galos sa paa.
Sira naman ang motor ng dalawa dahil sa lakas ng pagkakasalpok.