Ilang residente na ng Barangay Anahao sa Odiongan ang natatakot na sa balitang umiikot lang sa barangay nila ang suspek sa nangyaring pagpatay sa isang ginang sa San Andres nitong nakaraang linggo dahil umano sa selos sa mga anak.
Ayon sa ilang residente na nakausap ng Romblon News, nag-iikot lang umano ang suspek na si Ramir Foja sa barangay anahao at katunayan umano nito ay nakita ang nasabing suspek nitong Biyernes ng umaga ng ilang residente sa nasabing barangay na nakahiga lang sa isang kubo.
Pansamantala namang itinigil ang isinasagawang manhunt operation ng San Andres PNP sa nasabing suspek dahil umano nag-file na ng kaso ang pamilya sa korte at inaantay nalamang ang warrant of arrest upang muling makapagsagawa ng operasyon laban sa suspek.
Ayon sa San Andres MPS, dismayado umano sila dahil maraming nakakarating sa kanilang kwento na nakikita umano lagi sa Barangay Anahao ang suspek ngunit sa tuwing sila umano ay nagsasagawa ng manhunt ay laging itinatanggi na nasa barangay ang suspek.
Humiling naman ang ilang kamag-anak ni Foja na kung sakaling makita ang suspek ay ipag-alam lamang sa mga kapulisan o di kaya sa kanila.
Maari umanoong kontakin ang mga numerong 09089386106, 09484159142, at 09466566340.