by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Tuesday, 19 January 2016
UPDATED 10:41AM | Natangay ng dalawang hinihinalang magnanakaw ang isang cellphone, broadband at natitirang allowance ng isang estudyante ng Romblon State University pasado alas-3 kaninang madaling araw sa bayan ng Odiongan.
Ayon sa nakuhang impormasyon ng Romblon News, ang biktima ay wala sa kanyang boarding house nang manyari at tanging ang ka-boardmate niya ang tao sa bahay.
Nabigla nalang ang may-ari ng bag na si Mary Rose Galima nang makauwi ng makitang nasa labas na ng bahay ang kanyang bag at wala na ang mga nasabing gamit.
Sa unang ibinalita ng Romblon News kanina, muntik na rin matangay ang cellphone ng kanyang kasama na nakasaksak sa extension chord.
Ayon sa kanya, nagising umano siyang may humihila na pala sa sa extension chord.
Sinubukan rin umano niyang habulin ang suspek sa labas ng boarding house ngunit agad umano itong kumaripas ng takbo at sa di kalayuan ay may narinig siyang umandar na motorsiklo at ang hinila niya ay kasama ng suspek.
Patuloy naman ang paalala ng Odiongan Municipal Police Station sa mga residente ng Odiongan na maging maingat at mapagmatyag sa kapaligiran lalo na sa gabi dahil sa madalas na naibabalitang nakawan sa bayan.