Pitong katao, kabilang ang apat na menor de edad, ang nasugatan sa dalawang magkahiwalay na aksidente sa kalsada sa mga bayan ng Odiongan at Looc noong Nobyembre 28, 2026.
Sa unang insidente, apat na katao ang nasugatan matapos mabangga ng motorsiklo ang isang 70-anyos na babaeng pedestrian bandang alas-6:55 ng gabi sa National Road, Barangay Poctoy, Odiongan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (MPS), patungo sa Barangay Gabawan ang motorsiklong minamaneho ng isang 15-anyos na estudyante, kasama ang dalawang back rider na edad 15 at 17, nang mabangga nito ang pedestrian na tumatawid malapit sa Iglesia Filipina Independiente (IFI) Church.
Nasugatan ang pedestrian at ang tatlong sakay ng motorsiklo matapos silang matumba sa kalsada. Agad silang dinala ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa Romblon Provincial Hospital para sa pagpapagamot.
Samantala, tatlong katao, kabilang ang dalawang menor de edad, ang nasugatan sa salpukan ng dalawang motorsiklo bandang alas-8:20 ng gabi sa National Road, Barangay Punta, Looc.
Ayon sa paunang imbestigasyon at salaysay ng saksi, parehong patungo sa Barangay Guinhayaan mula sa poblacion ng Looc ang dalawang motorsiklo nang tangkain umano ng ikalawang motorsiklo na mag-overtake nang mabilis at masagi ang unang motorsiklo na naghahanda sanang kumaliwa patungo sa kanilang bahay.
Nasugatan ang 27-anyos na babaeng driver ng unang motorsiklo at ang dalawa nitong menor de edad na pasahero na edad 8 at 9. Hindi naman nasugatan ang 35-anyos na driver ng ikalawang motorsiklo.
Dinala ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga nasugatan sa pagamutan para sa agarang medikal na atensyon. Dinala rin sa Looc MPS ang dalawang motorsiklo para sa dokumentasyon at imbestigasyon.
Nabatid na walang naipakitang valid driver's license ang dalawang driver na sangkot sa ikalawang aksidente.
Dahil dito, pinaalalahanan ng Romblon Police Provincial Office (RPPO) ang mga motorista, lalo na ang mga batang driver at walang sapat na karanasan, na sumunod sa mga batas trapiko, kumuha ng kinakailangang lisensya at mag-ingat sa pagmamaneho.
Hinikayat din ang mga magulang at guardian na huwag payagang magmaneho ang mga menor de edad na walang legal na kwalipikasyon.
























