Pinalalakas ng Lokal na Pamahalaan ng Ferrol ang kabuhayan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pamamahagi ng ready-to-lay (RTL) chickens sa Claro M. Recto ARB Farmers Association sa ilalim ng Livestock Economic Enterprise Project (LEEP) Chicken Layer Project.
Isinagawa ang turnover sa pangunguna ng Municipal Agriculture Office (MAO), katuwang ang Agricultural Program Coordinating Office (APCO) at Provincial Veterinary Office (PROVET).
Binubuo ng 1,000 egg-laying chickens ang proyekto na ipinagkaloob sa asosasyon sa Barangay Claro M. Recto, na kinabibilangan ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) at iba pang magsasaka sa komunidad.
Nagtalaga rin ang asosasyon ng mga caretaker mula sa hanay ng mga miyembro upang mamahala sa araw-araw na pag-aalaga at pagpapakain sa mga manok, gayundin sa pagpapanatili ng kalinisan ng pasilidad. Sila ay pasasahurin ng samahan.
Sa pamamagitan ng proyekto, inaasahang makabibili ang mga residente ng itlog sa farmgate price o mas mababang halaga kumpara sa mga itlog na nagmumula sa mga kalapit na lalawigan.
Layunin din nitong palakasin ang poultry livelihood enterprise ng asosasyon, itaguyod ang sustenableng produksyon ng itlog, at magbigay ng karagdagang pagkakakitaan sa mga kasapi nito.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamahalaang lokal sa APCO at PROVET sa patuloy na pakikipagtulungan at suporta sa paghahatid ng mga programang pang-agrikultura sa mga magsasaka.


























