Iniimbestigahan na ng Odiongan Municipal Police Station (MPS) ang insidente ng pananakit sa isang 13-anyos na mag-aaral na naganap noong Nobyembre 15, 2026, bandang alas-8:30 ng gabi sa Barangay Batiano, Odiongan, Romblon.
Ayon sa pulisya, batay sa paunang imbestigasyon, umano'y sinaktan ang menor de edad ng kapwa mag-aaral kasama ang dalawa pang indibidwal na patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan.
Noong November 16, pormal na ini-refer ng Odiongan MPS ang insidente sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) upang maisagawa ang nararapat na interbensyon at matiyak ang pangangalaga sa kapakanan, kaligtasan at mga karapatan ng mga menor de edad na sangkot.
Nakipag-ugnayan din ang mga pulis sa mga opisyal ng barangay upang masuri ang mga available na CCTV footage na maaaring makatulong sa pagtukoy sa iba pang indibidwal na umano'y sangkot sa insidente.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang Odiongan MPS sa paaralang pinapasukan ng mga menor de edad para sa pagsasagawa ng symposium tungkol sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 o Republic Act No. 9344 at Nihilistic Violent Extremism (NVE) Awareness.
Binigyang-diin ng kapulisan ang kahalagahan ng mapayapang pagresolba sa mga hindi pagkakaunawaan at paggalang sa kapwa. Hinikayat din ang mga magulang na paigtingin ang paggabay at pangangasiwa sa kanilang mga anak.
Nagpaalala rin ang pulisya na huwag ipakalat ang mga video, larawan at iba pang sensitibong materyal na may kaugnayan sa insidente upang maprotektahan ang pagkakakilanlan, dignidad at karapatan sa privacy ng mga menor de edad.


























