Ipinakilala sa bayan ng Odiongan ang Bantay Lamok App, isang teknolohiyang naglalayong mapahusay ang pagsubaybay at pag-iwas sa dengue at iba pang sakit na naipapasa sa pamamagitan ng lamok.
Isinagawa ang pagpapakilala sa application noong Nobyembre 13 sa pangunguna ng National University Center for Natural Language Processing in Health Applications.
Pinangunahan ni Project Lead Ramon Rodriguez ang presentasyon kasama sina Bernie Fabito, project staff, at Efren Camposagrado Jr., project personnel at software developer.
Napili ang Barangay Dapawan bilang isa sa mga kalahok na komunidad dahil kabilang ito sa mga lugar sa Odiongan na may mataas na naitalang kaso ng mga sakit na naipapasa ng lamok.
Sa pamamagitan ng Bantay Lamok App, layong mapahusay ang pangangalap at pagsusuri ng datos tungkol sa mga lamok at mga sakit na dala ng mga ito. Makatutulong ang mga impormasyong makakalap upang matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng mas pinaigting na pagbabantay at mga hakbang pangkalusugan.
Bahagi ang proyekto ng mga research and development initiative sa ilalim ng DOST-NICER Program, na naglalayong gamitin ang makabagong teknolohiya at artificial intelligence sa pagbuo ng mga solusyon para sa sektor ng kalusugan.
Inaasahang mapalalakas ng inisyatiba ang koordinasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan, mga health worker at mga barangay sa pagsubaybay at pag-iwas sa pagkalat ng dengue at iba pang sakit na dala ng lamok.


























