Hinimok ng Department of Energy (DOE) ang mga motorista na ireport ang mga gasolinahang hindi nagpapatupad ng tamang bawas-presyo sa mga produktong petrolyo kasunod ng ipinatupad na malaking oil price rollback noong November 10.
Ayon sa DOE, maaaring magsampa ng reklamo ang mga mamimili laban sa mga gasoline station na hindi sumusunod sa itinakdang pagbaba ng presyo ng gasolina, diesel at kerosene.
Maaaring isumite ang reklamo sa pamamagitan ng 8888 Citizens' Complaint Hotline o gamit ang feature na “Gas Station Concerns” sa eGovPH application na maaaring i-download sa mga mobile device.
Sinabi naman ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na maaaring maglabas ng show cause order laban sa mga gasolinahang mapatutunayang hindi sumusunod sa tamang pagpapatupad ng rollback.
Matatandaang nagpatupad ng bawas-presyo na ₱16.80 kada litro sa gasolina, ₱4.10 sa diesel at ₱3.70 sa kerosene noong Nobyembre 10 kasunod ng pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Sa Romblon, nagpatupad din ng rollback ang mga gasolinahan sa lalawigan bilang pagsunod sa abiso ng DOE.
Hinikayat ng ahensya ang publiko na maging mapagmatyag at agad ireport ang anumang nakikitang paglabag upang matiyak na natatanggap ng mga mamimili ang nararapat na bawas-presyo sa mga produktong petrolyo.


























